(Mula ito sa orihinal na mga dokumento ipinakalat ng mga panahong iyun at walang binago)
Araw ng biernes, ika-11 ng buwan ng Oktubre, 1985, sa matahimik at masayahing baybayin ng Lupac ay makikita nating tuloy ang dating gawain sa pangaraw-araw ng buhay doon. Ang iba ay papunta sa laot na sakay ng kanilang maliliit na paraw upang kahit paano ay makahuli ng pang-ulam sa kanila-kanilang pamilya. May naghahayuma at nagpapaspas ng kanilang mga lambat. May nagbibilad ng tapulok na isdang huli ng nakaraang araw at iba pang tanawin na makikita mo doon na karaniwang gawain.
Habang ang mga bata ay naglalaro at ang iba naman ay masayang naliligo at naghahabulan sa maligamgam na tubig, sa kaduluhan ng daan makikita natin ang malaking bahay na bato. Maganda at matibay ang pagkakayari na sadyang ipinagawa upang maging bakasyunan ng Delegada Carmencita O. Reyes, tanging Mambabatas ng lalawigang Marinduke.
Sa araw na ito, umaga, may dumating na sasakyan na lulan ang abogadang anak ng Delegada, kasama ang kaniyang mga panauhin.
Matapos makapag-agahan, sila ay muling lumulan sa kanilang sasakyan. Sapagkat ang abogadang anak ay may hangad na magkandidato sa pagka-punong lalawigan (Gobernador), marahil ay mangangampanya sa ibang bayan.
Sa kaniyang dating gawain, si Elvira na siyang pinagkakatiwalaan ng mahigit na dalawampung taon na ang nakalipas ay tuloy ang paggawa at pagluluto sa kusina, katulong ang ilan sa mga taga Lupac.
Ng magdadapit hapon ay muling dumating ang sasakyan. Ilang sandali ng pamamahinga, tinawag ng panauhin si Aniceta Maliksi, isang taga Lupac na bagaman at tumutulong kahit hindi suwelduhan ay dahilan sa utang na loob na kaniyang kinikilala sa tulong ng nagawa ni Delegada tulad din ng pagtulong ng ibang mga kasama sa paglilingkod na sina Estefa Maano at Irma Pedragosa.
“Aniceta, pakilinis mo lamang itong aking sapatos” ang pakiusap ni Maxi Pena, ang pangunahing panauhin.
Pagkatapos na malinis, ibinigay ni Aniceta ang sapatos at ipinalagay sa tabi ng pintuang nakabukas ng silid tulugan at kanyang nakita si Gina Reyes, ang abogada, na kasalukuyang minamasahe ng kanyang kaibigang si Olive.
Dahilan marahil sa kapaguran sa maghapong paglakad sa ibang bayan, ipinag-utos ni Gina na doon na sila maghapunan sa balkonahe ng bahay na bato. Katulong ni Elvira, Aniceta at Estefa ang batang si Nolan Lanete. Isang batang 15 taong gulang na ang gawain ay magdala at mag-abot ng pagkain at iba pang gawain na sa madaling sabi ay “errand boy”.
Ganap na ika-9:00 ng gabi ng mamalayan ng mga tumutulong na may kaguluhang nagaganap sa itaas. May nawawalang mahahalagang bagay sa bahay na bato. Alahas, salapi, relos na purong ginto at dalawang baril ang hinahanap.
Tinawag ni Maxi Pena at Ninoy Mascarenas ang batang si Nolan Lanete at dinala sa tabing aplaya, doon sa ang tubig ay hanggang baywang niya. Dito sinimulan ang pagtatanong ni Maxi Pena.
“Nasaan iyong mga ninakaw ninyo” tanong ni Maxi Pena.
“Hindi ko po alam ang sinasabi ninyo”.
Dahilang sa hindi yata nasiyahan sa sagot ni Nolan, inilublob siya sa tubig na matagal-tagal.
Paglitaw sa tubig ay muling tinanong siya.
“Talaga bang wala kang alam.”
“Wala pong talaga hindi ko po alam ang sinasabi ninyo”.
Pamuling inilublob si Nolan ng mas matagal-tagal. Sa kanyang paglitaw, nakita ni Nolan na hawak ni Maxi Pena ang kanyang “hunting knife” na lagi na nitong dala-dala at itinutok sa kanyang leeg.
“Ano, magsasabi ka na ng totoo”.
“Talaga pong wala akong alam sa sinasabi ninyo”.
Umahon sa tubig si Maxi Pena at nakipag-usap kay Jun Mascarenas na nanonood doon sa buhanginan sa di kalayuan.
Sa pagbalik ni Maxi Pena ay pinagpatuloy ang pagtatanong.
“Kasabuwat ka ng mga magnanakaw? Magtapat ka na. Kung mayroon kang kinatatakutan ay akong bahala”.
“Talaga pong wala akong alam sa sinasabi ninyo”.
Pamuling inilublob si Nolan sa tubig.
Umahon na sa tubig si Maxi Pena at dinig ni Nolan ang sabi nito kay Jun Mascarenas.
“Ano, tapusin na natin ito?
“Huag kang aalis diyan at babarilin kita”. Utos ni Maxi Pena.
Nanatii siya sa ganoong pagkababad sa tubig sa lamig at ginaw ng gabi ng may dalawang oras pa.
Samantalang nagaganap ang paglulublob kay Nolan sa tubig, si Bienvenido Maliksi, asawa ng Aniceta ay natutulog sa kanyang bahay. Si Ambrosio Maano naman na asawa ng Estefa, kasama noon si Pacifico Hilario, ang hardinero at iba pang mga kasamahan ay kasalukuyang nag-iinuman ng kaunting tuba na kaniang nakabahagi ng hapong iyon. Sapagkat alam na ang balita sa bahay na bato, ito ang paksa ng kanilang usapan.
“Hoy! Igiha ninyo, mahirap na ang kita pa ang mapagbintangan” wika ng isa.
Si Efren Monteras, asawa ni Elvira, na ang bahay ay nasa labas lamang ng bakod sa may harapan ng malaking bahay ay kasalukuyan ding nagpapahinga na matapos ang panonood ng telebisyon.
Pamaya-maya ay dumating si Elvira na umiiyak, kasama si Gina Reyes at Olive. Dito pa lamang nalaman ni Efren ang nangyayari sa malaking bahay. Pinabuksan lahat ni Gina ang lahat ng aparador, maging lata ng bigas at kanilang mga lalagyan ng kakanin. Walang itinirang lugar na mapaghahanapan maging ang kanilang kisami ay ipinaalis ang isang parte.
Si Maxi Pena naman, kasama ang kanyang kaibigang mataba at mababang lalake na may dalang mahabang baril ay nagtungo sa bahay ni Bienvenido. Sapagkat kasama nila si Aniceta, agad na nagbukas si Bienvenido. Habang patuloy ang paghahalughog pati na ang mga gamit sa pag-aaral ng kanyang mga anak, ay nagsindi si Bienvenido ng aladin upang magliwanag. Pagkatapos masindihan ay sumandal na lamang doon sa haligi sa tapat ng ilaw. Dahilan sa maliit lamang ang kanilang bahay ay parang dinaanan ng bagyo sa mga ipinagkakalat na mga gamit ng dalawang naghahaluglog.
Pagkatapos ng paghahalughog sa bahay ni Bienvenido ay nagtungo naman ang dalawa sa isa pang bahay na di kalayuan. Ito rin ay di nakalibre sa ginawang paghahanap ng dalawa.
Lumipas ang gabi ng katakutan sa aplaya ng Lupac.
Kinabukasan, maagang nagsialis sina Gina Reyes at mga panauhin patungong Maynila.
Linggo ng umaga, Oktubre 13, muling dumating si Gina Reyes at Maxi Pena na may mga kasamang mga imbestigador.
Lahat ng mga katulong kasama na ang kanilang mga asawa ay ipinatawag sa malaking bahay na bato. Habang patuloy ang pag-iimbestiga, pagkuha ng “fingerprints at footprints”, ang mga kababaihan na sina Estefa at Aniceta at Irma ay nasa kusina at binabantayan ni Gina Reyes at Olive.
Ang mga lalake naman ay nasa may hagdanan na magkakahiwalay ang kinatatayuan. Si Efren ay naka-upo sa papaakyat na hagdan. Sa di kalayuan sa gawing may sapa, ay may kuwadradong bato na may dalawang dipa ang lapad. Nasa magkabilang dulo sa gawing Norte sina Ambrosio at Pacifico at magkabilang dulo naman sa gawing Sur sina Nolan at Bienvenido.
Si Elvira ay doon sa bilog na lamesang bato sa gawing Sur ay nakatayo at nakabilad sa arawan.
Bawat isa ay tinatanong at iniimbestiga sa isang lamesang bato na malapit naman sa pelota court. Nauna si Bienvenido, sumunod si Efren Monteras, pangatlo si Nolan Lanete at pang-apat si Irma Pedragosa, isang batang nag-aaral sa MHS na tumutulong din kapag may panauhin. Bandang ika-9:00 ng umaga ng dumating ang sasakyan ng PC na dala ang dalawa sa magkakapatid na Mabato.
Ganap na ika-10:00 ng tawagan si Pacifico Hilario at isinama doon sa isa pang lamesang batong bilog at dito pinagtatanong ni Maxi Pena.
“Sino ang mga kasamahan mong mga magnanakaw”.
“Wala po akong alam sa sinasabi ninyo”.
Isang sipa ang inabot ni Pacifico sa sikmura sa sagot niyang ito.
“Wala ba kayong nakitang ibang tao rito?”
“Ang alam ko po lamang na ibang tao dito noon ay ang inyong mga kasamahan”, ang kanyang sagot.
“Anong akala mo sa aking mga kasama, magnanakaw” sabay suntok sa kanyang mukha na tumama sa kanyang ilong. Ng si Pacifico ay napaupo ay sinundan pa ito ng isang tadyak sa kanyang tagiliran.
“Sige! Lakad, doon sa aplaya”. Pagtalikod ni Pacifico ay pinalo siya ni Maxi Pena ng hawak nitong baril at mabuti na lamang at tumama ito sa kanyang balikat at hindi sa ulo. Pagdating doon sa bakod ng pader sa tabing aplaya ay naramdaman na lamang ni Pacifico ang isang malakas na sipa sa kanyang likod na kanyang ikinasubsob sa buhanginan. Pagtayo niya ay pinapunta at pinaluhod doon sa malapit sa tubig. Habang nasa gayon siyang posisyon ay inasinta siya ni Maxi Pena ng hawak nitong baril. Dalawang putok ang pumailanlang at sa pag-asang wala ng kaligtasan ay nagdasal na lamang si Pacifico sapagkat damdam niya ang humahaging na bala na napalapit sa kanyang buhok, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.
“Huwag kang aalis diyan at babarilin kita” ang pautos na sinabi sa kanya ni Maxi Pena.
Nanatili si Pacifico sa gayung pagkakaluhod hanggang alas 3:00 ng hapon sa tindi ng pagkakabilad sa sikat ng araw.
Samantala, sa bayan, ang isa sa mga Mabato ay kasalukuyang may bibilhin sa palengke. Dito siya nakita ni Jun (Ninoy) Mascarenas at isang PC. Kinausap siya at gustong isakay doon sa jeep. Dahil alam niya ang kanyang gagawin ay sumagot ng ganito,
“Mayroon po ba kayong warrant of arrest?”
“Hindi na kailangan iyon”, ang sabi ni Jun (Ninoy) Mascarenas.
Pinilit siyang hilahin at ng hindi madala ay kinapitan siya sa leeg ni Jun Mascarenas at hila naman ng PC patungo sa sasakyan. Pagdating sa jeep, upang hindi maisakay ay ikinapit niya ang dalawang kamay sa pintuan ng sasakyan, subalit, ito ay kinarate ng dalawa para makabitaw at isinalya sa loob.
Lumipas ang maghapon, sina Efren, Elvira at Aniceta, lulan ng jeep ng PC ay dinala sa kampo ng bayan. Isinunod sina Estefa, Nolan at Irma at ang kanyang kapatid na walong taong gulang sa isang “owner-jeep”. Pagbalik ng PC jeep ay isinakay naman sina Bienvenido, Pacifico at ang magkakapatid na Mabato.
Hindi napasama si Ambrosio dahilan sa pakiusap na walang mag-aaruga sa kanilang maliliit na anak at kasama naman ang kanyang asawa sa bayan.
Linggo ng gabi ay patuloy pa ang pag-iimbestiga sa lahat ng dinala sa kampo. Dito nahirapan ang mag-asawang Efren at Elvira.
Habang nakaposas ang dalawang kamay ni Efren na nakatali sa silya, patuloy ang pagtatanong ni Maxi Pena. Naroong utusang tumayo habang nasa ganitong ayos, kaya sa kanyang pagtindig ay para bang mapuputol ang mga kamay sa bigat ng silya sa kanyang likuran. Hindi pa masiyahan, ipinaalis ang posas at pinapag-iskuwat nang may isang oras at pag hindi na makatagal at bumabagsak ay pinapagpupus-“up” naman. Kaya ng hindi na siya makatagal ay napasigaw na siya.
“Putang-ina mo, barilin mo na ako kung gusto mo, huwag mo lamang akong pahirapan ng ganito na wala naman akong nalalaman sa pinagsasasabi mo”.
Sa gabing ito ay nakaranas pa siya ng apat na ulit na pagkoryente sa kanyang hita at isa sa balikat. Ng gabi ring iyon ay inutusan siyang doon mahiga sa damuhan sa labas ng kampo.
“Sige diyan ka mahiga at ng mamatay ka na”.
Si Elvira naman na nasa kabilang silid, kapag napapagod na si Maxi Pena sa pagtatanong kay Efren ay lumilipat dito at siya naman ang pinagtutuunan ng pagtatanong. Nakaupo si Elvira sa isang silya.
“Ano, magsabi na kayo at ng hindi na kayo mahirapan”.
“Kahit na ano pa po ang gawin ninyo ay talaga pong wala akong alam sa sinasabi ninyo. Matagal na po akong naninirahan kay Mam (Delegada COR), bata pa po ako ay nasa kanya na ako kaya hindi ko po kayang gawin ang ibinibintang ninyo, sir Maxi”.
“Sinungaling ka” sabay sampal ng tatlong beses sa kanyang mukha. Patuloy ang ganitong mga tanong at sagot.
Ng napapagod na at walang makuhang pagtatapat, minsan pang pasok at gayon din ang sagot ni Elvira ay isang sipa sa kaliwang panga ang kanyang inabot mula kay Maxi Pena.
Isa sa magkakapatid na Mabato, matapos na mahalughog ang kanilang bahay ng araw na iyon ay hindi mabilang kung ilang ulit siyang nasuntok at sinikmuraan habang iniimbestiga.
Araw ng Lunes, ika-14, muling umalis patungong Maynila ang Gina Reyes at Maxi Pena upang kumuha ng “Lie detector”.
Pinawalan ang magkakapatid na Mabato at ang magkapatid na Irma at hinayaang makapasok sa iskuwela. Ang pito namang taga-Lupac na natira ay pinalagda sa isang papel na hinarapan ni Abogado Maria Coll na hindi man lamang ipinaliwanag ang katotohanan sa nilalagdaan at kahulugan noon. Sinabi ng isang imbistigador na PC na pagkatapos nilang makapirma ay makalalabas na kayo.
Sapagkat marami ang dalaw at nagdala ng pagkain ng umagang iyon ay sinabi ng pito sa kanila;
“Huwag na muna kayong umalis at sabay-sabay na tayo. Pagkapirma namin ay lalabas na rin kami.”
Pagkatapos na makapirma, doon nila nalaman na hindi pa sila makalalabas at isang linggo pang titigil doon sa bisa ng kanilang pinirmahan. Hindi malaman ngayon ng mga kamag-anakan kung ano ang gagawin. Nagtungo sila sa Punong-Bayan at naki-usap. Maging sa Huwes ay gayon din ang ginawa. Walang tiyak na kasagutan ang mga ito kundi tulad din ng sa PC Commander na;
“Hintayin na ninyo ang pagdating ni Gina at doon kayo makiusap”.
Ganap na ika-4:00 ng hapon ng dumating si Monsinor Malapad at si Fr. Nick. Habang sila ay nag-uusap ng mga detinido ay dumating din si Kagawad Antonio Barroro ng Sangguniang Bayan.
Lumipas pa ang dalawang araw. May mga taong naghahanda na upang mag-rally. Sa pakiusap ni Kagawad Barroro ay napigilan silang pansamantala.
Mierkoles ng umaga, dumating si Abogado Ricardo Nepomuceno at si Kagawad Antonio Barroro sa kampo at nakipag-usap sa provincial commander. Bagaman at mayroon noong NBI na patuloy pa ang pag-iimbestiga ay hiniling nila ang paglabas ng mga detinido.
Ganap na ika-2:00 ng hapon ng magsimulang magsidating ang mga taga Lupac na susundo sa mga ilalabas sa kampo. Mahiigit na dalawang daang tao ang nagsipunta doon sa harapan ng kampo.
Ika-4:00 ng hapon, makikita nating lahat ang mga tao sa loob ng kapitolyo, mula doon sa pinakamataas na bintana ay nagsisiksikan hanggang lahat ng baytang ng harapan ng kapitolyo ay puno ng tao. Ilang minuto pa, lumabas na ang pitong detinido sa sigawan ng mga taong sumalubong at lalo na ng mapatapat sa mismong harapan ng bahay pamahalaan, ay may makikita kang umiiyak sa kagalakan habang patuloy ang pagsigaw ng;
“Mabuhay kayong mga taga-Lupac”.
Noong ika-21 ng Oktubre, ang mag-asawang Efren at Elvira, kasama si Nolan Lanete, ay kinuha at dinala sa Maynila ni Jun Mascarenas. Doon sila kinausap ng Delegada upang malaman ang katotohanan sa mga ginawa sa kanila. Kinabukasan ay dumating din ang mag-asawa. Si Nolan Lanete ay naiwan sa Maynila upang ipagamot daw ang mga mata. Dumating si Nolan kinabukasan.
Makalipas ang isang linggo pa at napag-alaman na ang mag-asawang Efren at Elvira ay nakadimanda na. Ang magtatanggol daw ay ang abogado George Caballes.
Ang kasaysayang ito ay halaw sa salaysay ng mga taong naditine ng apat na araw at apat na gabi na kanilang isinalaysay noong pagkalipas ng isang misa ng pasasalamat matapos na sila ay mapalaya.
Ito ba ang katarungang inaasam-asam nating lahat?
Sila; na mga pinasok ang tahanan ng walang pasintabi, binugbog, ibinilad, inilublob at napagsasaktan, na walang patumanggang niyurakan ang mga karangalan, na maging mga kababaihan ay hindi iginalang;
Sila; na ang karapatang pantao ay hindi pinakundangan at nakulong ng apat na araw at apat na gabi;
Sila; na sa ngayon ay siya pang ididimanda.
Ang pitong taga Lupac na mga kapatid natin na naranasan ang pagduhagi at lahat na malaga sa kanilang buhay.
Pero, teka muna, ang pagdidimanda ba nila ay anong klaseng palabas?
Ating limiing mabuti.
<!-
1. Sila na inapi – sila pa ang ididimanda.
<!- 2. Ngayon nga at ididimanda, sino ang magdidimanda?
<!- 3. Ididimanda ng Reyes – ipagtatanggol ng Grand Lider ng Reyes.
<!- 4. Kung sakali at matutuloy ang palabas na ito ay inyong panoorin at magaling ang iscript writer nito.
Sa totoo lang. Mabubura pa ba sa isipan ng mga tao ang mga pangyayaring naganap sa Lupac?
BAYAN . . . . . . . . . . GUMISING KA."
END