MGA DAPAT MALAMAN NG MGA MAMAMAYAN NG MARINDUQUE
Ang mga pangyayari:
Ang naganap sa Barangay Lupac, Boac, noong ika-11 ng Oktubre (1985) ay isang pangyayaring ni sa panaginip ay hindi dapat naganap sa ating hugis-pusong lalawigan.
Ayon sa mga ulat ay may naganap na nakawan sa malaking bahay na bato sa Lupac na pag-aari ni Delegada Carmencita O. Reyes.
Kung mayroon man na nangyari o wala ay hindi pa matiyak hanggang ngayon sapagkat tuloy pa ang imbestigasyon.
Ang hinaing ng mamamayan ng Barangay Lupac ay ito:
1. Alas 12:00 ng gabi, Biernes matapos malaman na may naganap na nakawan ay limang bahay ang pinasok at hinalughog ni Maxi Pena – panauhin sa malaking bahay, ng wala namang dalang “search warrant” o ni kasamang isa mang authoridad.
2. Bago maganap ang paghahalughog, si Nolan Lanete, isang 14 na taong gulang ay tatlong ulit na inilublob sa dagat ni Maxi Pena at hinayaang naroon sa tabing dagat ng may isang oras sa lamig ng gabi (kasamang sipi).
3. Linggo ng umaga, ang isa sa mga katulong sa malaking bahay na si Pecifico Hilario ay sinuntok, tinadyakan, pinalo ng puluhan ng baril sa kaliwang balikat at hindi pa nasiyahan ay iinilad mula 10:00 ng umaga hanggang alas 3:00 ng hapon sa arawan sa tabi ng aplaya.
4. Si Elvira Monteras, isang pinagkakatiwalaan ni Delegada Carmencita O. Reyes nang mahigit na 15 taon na ngayon ay tatlong ulit na sinampal at tinadyakan sa panga ng nasabi rin na si Maxi Pena.
5. Si Reynaldo Mabato, isang suspect na taga Mainit, ay hinuli sa pamilihang bayan at nang ayaw sumama ay kinarati at sinakal ng isang nagngangalang Ninoy Mascarenas.
6. Hanggang sa kasalukuyan, ang mga nabanggit na mga katulong sa malaking bahay at iba pang hindi nabanggit ay nakakulong pa sa komandansya simula pa noong Linggo na sa sandaling ito ay may apat na araw na o 96 oras na ngayon.
SINO ANG MGA GUMAWA NG KARAHASANG ITO?
1. Maxi Pena – Sino ang taong ito?
2. Gina Reyes – Abogada
3. Severino Mascarinas, Jr. – Punong Barangay Bantad at CHDF daw.
4. Sgt. Meleco Terrible – PC – Body Guard, Driver
5. Pat. Tekboy Manrique – PC-INP
6. Edito Racelis – Driver, District Engineer, MPWH, CHDF daw.
7. At iba pang taong hindi nakikilala.
ANG MGA NAGING BIKTIMA
1. Pacifico Hilario – Ang sinuntok sa ilong at kinuryente sa siko, at ibinilad sa aawan ng limang oras.
2. Nolan Lanete – 14 na anyos – inilublob nang tatlong ulit sa dagat.
3. Elvira Monteras – tatlong ulit na sinampal at tinadyakan sa panga.
4. Reynaldo Mabato – Kinaratii at sinakal ni Ninoy Mascarinas, Jr.
5. Isagani at Rustico Mabato – Hinalughog ang bahay at sinaktan.
MGA HINALUGHOG ANG BAHAY
1. Mr. & Mrs. Ambrosio Maano
2. Mr. & Mrs. Bienvenido Maliksi
3. Mr. & Mrs. Cecilio Monteras
4. Mr. & Mrs. Efren Monteras
5. Mrs. Mercedes Pedragoza
MGA KATANUNGAN
1. T ayo ba’y nabubuhay sa isang bansang DEMOCRACY O DEMO-CRAZY na may JUSTICE O JUST-TIIS?
2. Muli bang nagbalik ang panahon ng hapon sa ating lalawigan?
3. Binigyang-pansin ba naman ng mga kinauukulan ang mga hinaing at sakit ng mga biktima?
4. Ito ba’y simula ng ating pagpapabaya para ito’y lalong lumala?
5. Ang hangad ba natin ay kalayaan o karahasan?
KATARUNGAN PARA SA KANILANG MGA NAAPI
KATARUNGAN PARA SA MARINDUQUE
Dapat lamang na bumuo ng isang FACT-FINDING COMMITTEE na ang mga kinatawan ay galling sa pamahalaan, Integrated Bar, Religious Sector at Civic Organization nang sa gayon ay malaman ang pawing katotohanan at maipagsakdal ang mga nagkasala at maibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa BATAS.
NABABAHALANG MAMAMAYAN NG MARINDUKE
GISING NA BAYAN!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento